Dalawang Uri ang Panitikan
- Patula – Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng maaanyong salita sa mga taludtod na may sukat o bilang ng mga pantig at pagtutugma ng mga salita sa hulihan ng mga taludtod sa bawat saknong. Kabilang ditto ang mga sumusunod: tulang liriko, tulang pasalaysay, tulang pangtanghalan, at patnigan.
- Tuluyan o Prosa – Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng malayang pagsasama-sama ng mga salita sa mga pangungusap. Hindi limitado o pigil ang paggamit ng mga pangungusap ng may-akda. Kabilang ditto ang mga sumusunod: maikling kwento, nobela, dula, alamat, pabula, talambuhay, sanaysay, balita at editoryal.
- Alamat
- Anekdota
- Nobela
- Pabula
- Parabula
- Maikling kwento
- Dula
- Sanaysay
- Talambuhay
- Talumpati
- Balita
- Kwentong bayan
- Salawikain
- Kasabihan
Halimbawa ng bugtong:
1. Kung kailan mo pinatay, saka pa humaba ang buhay.
Sagot: kandila
2. Baboy ko sa pulo, ang balahibo'y pako.
Sagot: langka3. Nang sumipot sa maliwanag, kulubot na ang balat.
Sagot: ampalaya4. Isang butil ng palay, sakot ang buong buhay.
Sagot: ilaw
5. Ako ay may kaibigan, kasama ko kahit saan.
Sagot: anino
6. Sa araw ay bungbong, sa gabi ay dahon.
Sagot: banig
7. Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.
Sagot: siper
8. Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas.
Sagot: gamu-gamo
9. Tinaga ko ang puno, sa dulo nagdurugo.
Sagot: gumamela
10. Naabot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay.
Sagot: kubyertos
11. Malaking supot ni Mang Jacob, kung sisidlan ay pataob.
Sagot: kulambo
12. Maliit pa si kumare, marunong ng humuni.
Sagot: kuliglig
13. Baka ko sa palupandan, unga'y nakakarating kahit saan.
Sagot: kulog
14. May bintana nguni't walang bubungan,
may pinto nguni't walang hagdanan.
Sagot: kumpisalan
15. Heto na si Kaka, bubuka-bukaka.
Sagot: palaka
16. Magandang prinsesa, nakaupo sa tasa.
Sagot: kasoy
17. Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.
Sagot: paruparo
18. Dalawang batong itim, malayo ang nararating.
Sagot: mga mata
19. Kay lapit-lapit na sa mata, di mo pa rin makita.
Sagot: tenga
20. Sa maling kalabit, may buhay na kapalit.
Sagot: baril
21. Sa buhatan ay may silbi, sa igiban ay walang sinabi.
Sagot: bayong o basket
22. Hindi tao, hindi hayop, kung uminom ay salup-salop.
Sagot: batya
23. Isa ang pasukan, tatlo ang labasan.
Sagot: kamiseta
24. Buto't balat na malapad, kay galing kung lumipad.
Sagot: saraggola
25. Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.
Sagot: ballpen o Pluma
26. Nagbibigay na, sinasakal pa.
Sagot: bote
27. May puno walang bunga, may dahon walang sanga.
Sagot: sandok
28. Hinila ko ang baging, sumigaw ang matsing.
Sagot: kampana o batingaw
29. Yumuko man ang reyna, di malalaglag ang korona.
Sagot: bayabas
30. Nakatalikod na ang prinsesa, ang mukha'y nakaharap pa.
Sagot: balimbing
Mga Salawikain
Ang paala-ala ay mabisang gamot sa taong nakakalimot.
Ang taong nagigipit, kahit sa patalim ay kumakapit.
Hangga't makitid ang kumot, magtiis mamaluktot.
Magsisi ka man at huli wala nang mangyayari.
Huli man daw at magaling, naihahabol din.
Kung hindi ukol, hindi bubukol.
Matalino man ang matsing, napaglalalangan din.
Bawa’t palayok ay may kasukat na suklob.
Batang puso madaling marahuyo.
Tikatik man kung panay ang ulan,
malalim mang ilog ay mapapaapaw.
Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
Ubus-ubos biyaya, maya-maya ay nakatunganga.
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Kung binigyan ng buhay, bibigyan din ng ikabubuhay.
Ang iyong kakainin, sa iyong pawis manggagaling.
Buhay alamang, paglukso ay patay.
Buntot mo, hila mo.
Kung nasaan ang asukal, naruon ang langgam.
Walang mapait na tutong sa taong nagugutom.
Lahat ng gubat ay may ahas.
Ang anumang kasulatan dapat ay lalagdaan.
Nasa taong matapat ang huling halakhak.
Ang tunay na kaibigan karamay kailan man.
Ang tunay na kaibigan, nakikilala sa kagipitan.
Ang matapat na kaibigan, tunay na maaasahan.
Turan mo ang iyong kaibigan, sasabihin ko kung sino ikaw.
Ang tunay mong pagkatao, nakikilala sa gawa mo.
Ang tao kapag mayaman marami ang kaibigan.
Magkulang ka na sa magulang huwag lamang sa biyenan.
Ang pag-aasawa ay hindi biro, 'di tulad ng kanin
Iluluwa kung mapaso.
Nakikita ang butas ng karayon, hindi makita ang butas ng palakol.
Kung gaano kataas ang lipad gayon din ang lagapak pag bagsak.
Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.
Kapag ang ilog ay matahimik, asahan mo at malalim.
Kapag ang ilog ay maingay, asahan mo at mababaw.
Ang lumalakad nang mabagal, kung matinik ay mababaw.
Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan,
hindi makakarating sa paruruonan.
Ang langaw na dumapo sa kalabaw,
mataas pa sa kalabaw ang pakiramdam.
May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
Kung ano ang itinanim, iyon din ang aanihin.
Ako ang nagtanim, ang nagbayo at nagsaing,
saka nang maluto'y iba ang kumain.
Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
Huwag magbilang ng manok hangga't hindi napipisa ang itlog.
Kung sino ang unang pumutak, siya ang nanganak.
Magkupkop ka ng kaawa-awa, langit ang iyong gantimpala.
Ang mabuting gawa kinalulugdan ng madla.
Kapag bukas ang kaban, nagkakasala sinuman.
Ang butong tinangay na aso, walang salang nalawayan ito.
Mga Pabula:
Noong unang panahon, sa gubat ay may isang leon na nakakita ng pagkain. Agad siyang tumakbo papalapit dito, ngunit bigla na lamang dinagit ng lawin ang pagkain at inilipad palayo.
Galit na galit ang leon sa pag-agaw na ginawa ng lawin sa kanyang pagkain. At bilang hari, iniutos ng leon sa mga hayop na kaaway na nila ngayon ang lahat ng mga ibon.
At mula noon, hinuhuli na ng mga hayop ang mga ibon at kinakain. Ang mga ibon naman, lalo na ang mga buwitre, agila at lawin ay pinagtutulungan ang hayop na nakikita nilang nag-iisa sa gubat.
Hanggang minsan, dumating ang isang sagupaan ng mga hayop at mga ibon. Sa labanang ito, natalo ang mga ibon at nagsitakas patungo sa mataas na lugar.
Ang paniki na nakasaksi sa labanan ay lumapit sa leon.
Haring Leon, ako ay tulad ng mga hayop. Ang kaibahan ko lang ay mayroon akong pakpak. Hinihiling ko sana na isama mo ako sa grupo ninyo. Handa kong itaya ang aking buhay.” ang wika ng paniki.
“Sige, mainam kung may kasama kaming lumilipad rin.” ang sagot naman ng leon na natuwa sa narinig.
Hindi nagtagal, nagkaroon muli ng labanan at sa sagupaang ito, natalo ang mga hayop sa mga nagsipaghandang mga ibon. Nagtakbuhan papasok sa gubat ang mga sugatang hayop.
Ang paniki na nakasaksi sa pangyayari ay lumapit sa agila na hari ng mga ibon. Bago nagsalita ang paniki, ibinuka muna nito ang kanyang pakpak.
“Haring Agila, ako’y tulad nyo na may pakpak kung kaya’t hinihiling ko na isapi nyo ako sa inyong grupo. Handa kong ibigay ang buhay ko.”
Nang marinig ng agila ang sinabi ng paniki, natuwa ito.
“Sige mula ngayon, ikaw ay amin nang kakampi.”
Nagpatuloy ang digmaan ng mga ibon at hayop ngunit hindi na iyon nagtagal dahil naisip nila na hindi sila matatahimik kung hindi matitigil ang giyera.
At nagkabati na nga ang mga ibon at mga hayop. Noon nila nalaman na ang paniki ay kumakampi lang sa nananalong grupo. Dahil doon, parehong nainis ang grupo ng mga ibon at hayop sa paniki.
“Mula ngayon, hindi ka na naming kasama!” ang wika ng mga ibon at itinaboy nila ang paniki.
“Wala kang kwentang nilalang. Hindi ka namin kailangan!” ang sabi ng mga hayop at pinalayas rin nila ang paniki.
Pinagtatawanan siya ng mga ibon at mga hayop. At dahil sa kahihiyan, nagkulong na lang ang paniki sa kuweba, at lumabas na lamang ito tuwing gabi.
Aral : Ang sinumang “balimbing” o pumapanig lamang sa mga nagwawagi ay nawawalan ng kaibigan at naiiwang mag-isa.
ANG MAGKAIBIGAN
May magkaibigang namamasyal sa isang gubat. Sila ay sina Taba at Payat. Habang nasa kakahuyan, bigla silang tinugis ng isang oso. Mabilis na tumakbo ang dalawa. Agad umakyat sa puno si Payat. Dahil mataba ay hirap na hirap sa pag-akyat si Taba.
“Tulungan mo ako, Payat! Iakyat mo ako!” pakiusap ni Taba sa kaibigan. “Hindi ako maaring bumaba. Pareho tayong aabutan ng oso!” ang sigaw ni Payat. Nagpilit pa ring umakyat si Taba subalit talagang nahihirapan siya. Naabutan siya ng oso. Biglang bumagsak sa lupa si Taba. Sa sandali ng panganib ay may naalala siya. Mag nagsabi sa kanya noon na hindi pinapansin ng oso ang patay na. Hindi siya kumilos at nagkunwaring patay. Hinawak-hawakan ng oso si Taba. Pagkatapos ay inamuy-amoy ang mukha at tenga. Hindi naman halos humihinga si Taba sa tindi ng kaba.
Hindi nagtagal ay umalis ang oso. Noon bumaba si Payat. “Mabuti at hindi ka pinatay ng oso,” ang wika nito. Bumangon si Taba at tumingin kay Payat. “Parang may ibinulong sa iyo ang oso. Ano ang sabi niya?” tanong ni Payat. “Sinabi sa akin ng oso na huwag akong makipagkaibigan sa taong pababayaan ako sa oras ng kagipitan! Kaya diyan ka na!” taas noong umalis si Taba. Naiwan si Payat na nalulungkot. Nawalan kasi siya ng kaibigan.
Aral: Ang tunay na kaibigan, nakikilala sa kagipitan.
ANG MALIIT NA GAGAMBA
Sa isang malaking puno naninirahan ang mga gagamba. Kabilang sa kanila si Gorio. Siya ay batang gagamba na maliit ngunit mapagmalasakit sa kapwa.
Si Gorio ang pinakamaliit sa mga batang gagamba. Ito ang dahilan kung bakit palagi siyang binibiro ng mga kasamahan dahil sa kaniyang kaliitan. Subalit si Gorio ay mabait at mapang-unawa. Para sa kanya ang mga biro ng mga kasamahan ay hindi dapat damdamin.
Masaya ang buhay sa malaking puno kalimitan silang umaawit at sumasayaw sa tuwing sila ay matatapos sa kanilang gawain.
Si Gorio ay wala ng mga magulang, sila ay nalaglag sa puno at sumama sa baha ng bumagyo ng malakas at nabali ang sangang kanilang kinalalagyan, mabuti na lamang at si Gorio ay hindi nila nakasama.
Subalit ang pagiging ulila ay hindi naging hadlang kay Gorio upang mabuhay ng masaya. Kahit bata pa lamang ay marunong na siya magtrabaho upang mabuhay. Kung tutuusin ay mapalad na rin siyang maituturing sapagkat siya ay kinupkop ng isa sa mga kaibigan ng kanyang mga magulang.
Si Gorio ay may magandang asal at ito ang itinuro sa kaniya ng nakalakihang magulang. Marami ang nagigiliw sa kaniya sapagkat siya ay mabait, masipag at masunurin bata. Bagamat hindi siya tunay na anak ay minahal siya at itinuring na kapamilya ng kumupkop sa kaniya.
Maraming mga batang gagamba ang naiinggit kay Gorio. Kapag sila ay nagkakamali at nagiging tamad ay ikinukumpara sila sa batang si Gorio. Ang mga bagay na ito ay hindi matanggap ng mga batang gagamba. Subalit si Gorio ay nanatiling mapagkumbaba hindi niya ipinagmayabang ang kaniyang katangian.
Sa paglalaro ng mga batang gagamba, kadalasan ay hindi siya isinasali sa laro ng mga ito.
“Huwag nating isali iyan. Bawal sa atin ang bansot, baka lang siya mahulog sa puno,” ang wika ng mga gagamba.
Sanay na si Gorio sa ganitong sitwasyon sapagkat madalas naman itong mangyari sa kaniya kaya’t sa halip na magmukmok at tumutulong na lamang siya sa pag-iipon ng pagkain sa kumukupkop sa kaniya.
Minsan ay napagkaisahan na biruin muli ng mga batang gagamba si Gorio.
Isinali nila ito sa kanilang paglalaro. Hindi makapaniwala si Gorio na siya ay tinanggap na nilang kaibigan kung kayat siya ay masayang-masayang nakipaglaro.
Hindi alam ni Gorio na ang kaniyang mga kalaro ay nag-iisip ng hindi maganda laban sa kaniya. Inaya siya ng mga ito sa malayong sanga at saka siya iniwan. Dahil hindi kabisado ni Gorio ang pauwi sa kanilang bahay ay naligaw siya.
Tuwang-tuwa ang kaniyang mga kasama sapagkat nailigaw nila si Gorio. Wala na silang kaiinggitan pa sapagkat hindi na marahil makakauwi pa si Gorio sa kanilang tirahan.
Samantalang si Gorio ay naglakad nang hindi alam ang patutunguhan hanggang sa makarating siya sa pinakamataas na sanga. Mula roon ay tanaw na niya ang langit.
“Nakakatakot naman pala dito, nakakalula ang aking kinatatayuan,” ang wika ni Gorio sa sarili.
Ilang sandali pa ay may narinig si Gorio na huni ng ibong papalapit. Batid ni Gorio na nais ng mga ito na sumalakay sa kanila at gawin silang pagkain. Dali-daling lumakad si Gorio at pilit na hinanap ang daan pabalik sa kanilang kuta.
Hindi rin nagtagal at nakita ni Gorio ang tamang sanga pabalik sa kanilang kuta. Nagsisigaw si Gorio upang balaan ang mga kasamahan.
“Mga kasama magsipagtago kayo, may mga ibon na sasalakay sa atin,” ang humuhingal na sigaw ni Gorio.
Ang mga gagamba ay nabahala at natakot, sila ay mabilis na nagsipagtago sa loob ng mga nakatiklop na dahon.
Samantalang ang mga batang kalaro ni Gorio ay hindi naniwala sa kanya.
“Huwag kayong maniwala sa kaniya, niloloko lamang niya kayo sapagkat gusto niyang makaganti sa amin.” ang sigaw ng kaniyang mga kalaro.
Ngunit hindi nga nagtagal ay dumating ang isang laksang ibon. Ang mga ito ay gutom na gutom at naghahanap ng mga gagamba na kanilang kakainin. Takot na takot ang mga gagamba, hindi nila alam kung saan pupunta upang magtago.
Dahil naawa sa kanila si Gorio ay tinulungan sila nito. Mula sa pinagtataguan ni Gorio na di kalayuan sa mga gagamba ay tinawag niya ang mga ito upang doon na rin magkubli. Mabilis naman silang sumama kay Gorio at sila ay naligtas sa tiyak na kamatayan.
Ang mga ibon ay hindi nagtagal sa pag-aakalang walang gagambang naninirahan sa punong iyon. Nang makaalis ang mga ibon ay saka nagsipaglabasan ang mga gagamba sa kanilang pinagtataguan.
Nagpapasalamat ang lahat kay Gorio sa pagkakaligtas sa kanila. Gayun din ang mga gagamba na humingi ng tawad sa kaniya.
“Patawarin mo kami Gorio sa aming nagawang kasalanan sa iyo, tunay ka ngang mabait sapagkat sa kabila ng aming pagkakamali ay nagawa mo pa rin kaming tulungan,” ang wika ng mga batang gagamba.
“Pinapatawad ko na kayo, at sana ay maging magkakaibigan na tayong lahat,” ang wika ni Gorio.
Mula noon ay naging kaibigan na ni Gorio ang lahat ng mga gagamba. Ang mga ito ay humanga sa kanyang nagawang katapangan at naging mabubuting gagamba.
Si Gorio ay natuwa sapagkat nanumbalik muli ang masayang pamumuhay ng mga gagamba.
Ang buong kuta ng mga gagamba ay nagsipagdiwang sa kanilang pagkakaligtas at bilang pagtanaw ng utang na loob ay ginawa nilang huwaran ang katapangan, kabaitan at kasipagan ni Gorio.
Aral : Ang gawaing masama ay hindi nagdudulot ng mabuti sa kapwa at sa sarili.
ANG MALUPIT NA AHAS
Ang lahat ng hayop sa gubat at abalang-abala sa iba’t-ibang gawain. Sila ay nagsisispag-ipon ng kanilang pagkain upang ilaan sa pagsapit ng tag-ulan.
Bukod tangi si Ahas na panatag na panatag ang kalooban at natutulog lamang. Marami ang nagtataka kung bakit siya ay hindi nag-aalala sa pagsapit ng tag-ulan.
“Kaibigang Ahas, bakit sa halip na mag-ipon ng pagkain ay ang patulog ang iyong inaatupag?” ang usisa ni Kuneho habang siya ay nagbabaon ng kaniyang pagkain. “At ano ang nais mong gawin ko, magpakahirap na kagaya ng ginagawa ninyo? Hindi ko na iyon kailangan sapagkat pagdating ng tag-ulan ay maraming pagkain ang sa akin ay nakalaan,” ang tugon ni Ahas sa kanyang pagtulog.
Hindi naunawaan ni Kuneho ang nais sabihin ni Ahas kung kaya’t iniwan na niya ito at nagpatuloy sa kanilang ginagawa.
Kinabukasan ay napadaan naman si Pagong sa kinaroroonan ni Ahas at nakita niya itong mahimbing na mahimbing sa pagtulog. Hindi niya matiis na ito ay tanungin.
“Uhmmm, uhmmm, paumanhin kaibigang Ahas nais ko lamang na ipaalala sa iyo na kailangan ka nang kumilos sapagkat malapit nang pumatak ang ulan,” ang paalala ni Pagong.
“At sino ka upang magpaalala sa akin? Kung iyan lamang ang iyong sasabihin ay sayang lang ang iyong laway naabala mo lamang ang aking pagtulog,” ang wika ni Ahas.
Hindi nagtagal at umalis si Pagong na bumububod.
“Siya lang ang pinaaalalahanan ay siya pa ang galit,” wika ni Pagong habang papalayo.
Muli ay nadaanan si Ahas na natutulog ni Tuko at siya ay pinaalalahanan din nito.
“Kaibigang Ahas gising na at mag-ipon ka ng iyong pagkain ang tag-ulan ay darating na baka ikaw ay magutom,” ang paalala nito.
“Tigilan na ninyo ako, nakukulili na ako sa mga sinasabi ninyo. Ano ang palagay ninyo sa akin tanga, alam kong malapit na ang tag-ulan ngunit marami akong pagkain na pagkukunan,” ang galit na tugon ni Ahas.
Mula noon ay wala ni isa ang nagtangkang magpaalala kay Ahas sapagkat sa halip na ito ay magpasalamat ay nagagalit pa ito sa kanila.
Hindi nagtagal at sumapit ang tag-ulan. Ang lahat ay panatag ang kalooban maliban kay Ahas.
“Tila yata tama sila. Ako ay nagugutom ngunit hindi ako pwedeng lumabas at baka ako tangayin ng baha,” ang wika ni Ahas sa kaniyang sarili.
Hindi na matiis ang gutom ni Ahas at naisipan niya na nakawin na lamang ang mga nakatagong pagkain ng mga kasamahan.
Isang hating-gabi na mahina ang ulan ay nagtungo si Ahas sa taguan ng pagkain ni Kuneho. Laking gulat niya ng makita na higit pa sa kaniyang pangangailangan ang naipong pagkain nito.
“Tignan mo nga naman ang buhay kapag sinuswerte, hindi ko na kailangang humanap ng pagkain sa iba, dito pa lamang ay mabubundat na ako sa busog.”
Halos maubos ni Ahas ang pagkain ni Kuneho ngunit siya ay nakalikha ng ingay at ito ay narinig ni Kuneho. Dali-dali itong bumaba upang tingnan kung sino ang nakapasok sa kaniyang taguan ng pagkain. Laking gulat niya ng makita si Ahas at inuubos ang kaniyang pagkain. Siya ay nagsisigaw at galit na galit.
“Ikaw Ahas ay tunay na malupit. Kay lakas ng loob mong kainin ang pagkaing hindi mo pinaghirapan, isa kang magnanakaw,” ang sigaw ni Kuneho. “Mas maige na iyan kaysa sa mamatay ako sa gutom,” ang nakangising tugon ni Ahas.
Dahil sa lakas ng sigaw ni Kuneho ay ginimikan siya ng mga kapwa hayop. Nagtungo sina Pagong, Tuko at iba pang kapitbahay. Pinatulung-tulungan nila si Ahas hanggang sa siya ay maitaboy.
Bago pa man tuluyang makaalis si Ahas ay humingi ito ng paumahin sa kanila.
“Patawarin ninyo ako, kung nakinig lamang ako sa inyong paalala noong una ay hindi ko sana sinapit ang magnanakaw at masaktan ang labis sa inyong parusa,” ang kaniyang nasambit at dali-daling umalis.
Nagpasalamat si Kuneho sa kaniyang mga kapitbahay lalong-lalo na kina Pagong at Tuko. Samantalang si Ahas ay hindi na nakabalik sa pinsalang kaniyang tinamo at sa labis na kahihiyan sa kaniyang masamang ginawa.
Aral: Ang lahat ay dapat maging maagap sa kaniyang pangangailangan, mag-ipon hanggang maaga bago mahuli ang lahat.
ANG MAPAGPANGGAP NA UWAK
Sa kaharian ng mga ibon, wala silang ginagawa kundi ang magtalo at mag-away.
Palagi silang nagpapagandahan ng balahibo at tinig. Dahil dito, ang “diwata ng kagubatan” ay nagpakita sa kanila at nagwika…
“Upang mahinto na ang inyong pagtatalo, bukas pagsikat ng araw, ay pipili ako ng pinakamaganda sa inyo. Kaya’t lahat kayo ay magtipun-tipon bukas sa lugar na ito.” Pagkawika niyon ay nawala na ang diwata.
Muling nagtalo ang mga ibon, at nagpagandahan ng kanilang balahibo. Ang bawat isa maligo sa batis upang luminis at kumintab ang kanilang mga balahibo.
Mula sa malayo naman, naroon lamang at nagmamasid ang uwak. Inggit na inggit ito sa mga kasamahan, dahil bukod-tangi siyang itim na itim ang kulay ng balahibo.
Tinungo ng uwak ang batis at lalo siyang nalungkot nang makita ang sarili sa tubig. Nang walang anu-ano’y napansin niya ang iba’t-ibang kulay na balahibo na nalagas buhat sa mga kasamahan niyang ibon.
May naisip ang uwak. Nang nag-iisa na lamang siya, agad na kinuha niya mula sa tubig ang iba’t-ibang kulay na mga balahibo at ibinilad sa araw.
At nang matuyo nga ang mga ito, ay idinikit isa-isa ng uwak ang mga ito sa kanyang itim na balahibo. At ang uwak ay nabalot nga ng makukulay na balahibo.
Tuwang-tuwa ito nang makita ang sarili sa tubig dahil napakaganda na niya.
At kinabukasan nga, pagsikat ng araw, ang lahat ng mga ibon ay nagtipun-tipon.
Nang dumating ang diwata, nagulat ito nang makita ang uwak.
“Napakaganda ng ibong ito! Ngayon lamang ako nakakita ng ganitong ibon!” ang nawika ng diwata.
Samantalang napuna ng mga ibon na mga balahibo nila ang nasa katawan ng “magandang ibon” na hindi naman nila nakilala.
Pipiliin na sana ng diwata ang uwak bilang pinakamagandang ibon sa lahat, nang ilang balahibo na idinikit nito sa sarili ay natanggal.
Dahil doon ay nakahalata ang ibang ibon, at sumugod nga ang lahat kay uwak at binawi nila ang kanilang balahibo.
At hindi nagtagal, lumabas ang totong anyo ng uwak.
Nagtawanan ang lahat at ang uwak ay lumipad na lamang palayo na hiyang-hiya.
Aral: Maging tapat tayo sa ating sarili at huwag magpanggap upang hindi mapahiya.
ANG NAWAWALANG SINGSING
Matalik na magkaibigan sina Manok at Lawin. Para na silang magkapatid. Nagbibigayan sila ng pagkain. Naghihiraman din sila ng gamit. Sa kanilang dalawa, mas maalalahanin si Lawin. Hindi nakakalimutang dalhan ng pasalubong ni Lawin si Manok kapag galing siya sa malayong lugar. May masama rin namang ugali si Lawin. Nagtatanim siya ng galit.
Isang araw, dumating buhat sa malayong paglalakbay si Lawin. Dinalaw ang kaibigang si Manok, “Aba, Lawin, ikaw pala!” bati ni Manok. “Saan ka galing?”
“Galing ako sa lungsod,” nakangiting sagot ni Lawin. “Wala palang makukuhang pagkain doon. Pero hindi rin nasayang ang pagpunta ko.” “Bakit?” tanong ni Manok. “Tingnan mo itong napulot kong singsing.” ani Lawin. “Hiraman tayo rito pero pakaingatan nating mabuti at nang hindi mawala.” “Naku, oo! Hayaan mo at kapag nasa akin ay iingatan kong mabuti.” pagtitiyak ni Manok.
Ganoon nga ang nangyari. Minsan ay si Lawin ang nagsusuot ng singsing. Minsan naman ay si Manok. Mahal na mahal nila ang singsing dahil ito ang pinakamahalaga nilang pag-aari. Isang umaga, inihabilin ni Lawin kay Manok ang singsing. “Matagal mong iingatan ang singsing natin. Pupunta ako sa malayong lugar at matatagalan bago bumalik. Huwag mong gagamitin ang singsing sa masukal na lugar. Baka mahulog ay mahirap hanapin,” bilin ni Lawin. “Huwag kang mag-alala. Kung gaano mo kamahal ang singsing ay gayundin ako.”
Nakalimot si Manok. Isinuot niya ang singsing araw-araw. Dala niya ito saan mang lugar. Ipinagyayabang niya ito sa mga ibon, bibi, gansa, pabo at iba pang kalahi nila.
Minsan, galing siya sa pamamasyal nang mayroon siyang mapansin. Wala sa daliri niya ang singsing. Kinabahan siya. Nagbalik siya sa huling pinuntahan. Hinanap niya ang singsing pero hindi na niya makita.
Dumating si Lawin. Hindi malaman ni Manok kung paano ipapaliwanag ang nangyari. Nagalit si Lawin. “Kapag hindi mo nakita ang singsing, habam-buhay mo akong makakagalit. Iiwasan mo ako dahil pati magiging anak mo ay madadamay.”
Hanggang ngayon, ang manok at ang lawin ay magkagalit. Laging kumakahig sa lupa ang manok sa paghahanap niya sa singsing. Pati ang kanyang sisiw ay takot sa lawin. Dinadagit kasi sila nito.
Aral: Pahalagahan ang pagtitiwala ng kapwa.
ANG PANGIT NA ITIK
Sa sapa naninirahan si Bibe. Siya naman ay may limang itlog at ito ay kaniyang binabantayan at inaabangan na mapisa.
Minsan ay nagtungo si Bibe sa may bukirin upang kumuha ng dayami na kaniyang ilalagay sa kaniyang pugad upang magbigay ng sapat na init sa kaniyang mga itlog.
Matapos makakuha ng sapat na dayami ay bumalik na siya sa sapa. Sa kaniyang daraanan ay may napansin siyang isang itlog.
Nagtaka si Bibe kung kanino ang itlog na iyon. At dahil naawa siya dito ay kinuha at isinama sa kaniyang mga itlog.
Makalipas ng isang linggo ay napisa na ang mga itlog ni Bibe. Siya ay masayang-masaya at isa-isang hinalikan ang kaniyang mga bagong silang na anak.
“Ang mga anak ko, ang pinakamamamahal kong mga anak,” ang sayang namutawi sa bibig ni Bibe.
Huling napisa ang itlog na kaniyang napulot at mula sa itlog na iyon ay lumabas ang isang maliit at kulay itim na sisiw.Siya ay kakaiba sa kaniyang mga anak. Ang mga ito ay kulay dilaw samantalang siya ay itim.
Gayunpaman ay minahal ito ni Bibe at itinuring na tulad ng kaniyang tunay na anak. Magkasabay na lumaki ang mga anak ni Bibe at ang itim na sisiw.
Naging tampulan ng pansin ang itim na sisiw. Ang karamihan sa mga nakakaalam sa kaniyang pinagmulan ay nangungutya sapagkat siya ay hindi naman tunay na anak ni Bibe. Bukod pa rito ay ang kaniyang kakaibang anyo. Karamihan ay binabansagan siyang pangit.
Ngunit ang kaniyang nakilalang ina ay palaging handa upang siya ay ipagtanggol sa mga mang-aapi sa kaniya at kadalasan pati ito ay napapahamak.
“Tingnan mo ang ginawa mo sa aming ina, dahil sa iyo ay napapaaway siya, kung dangan kasi ay bakit ka pa niya kinupkop. Ikaw ay hindi naman mauri at isang tunay na pangit,” ang wika ng mga anak ni Bibe.
“Wala akong kasalanan sapagkat ako ay isinilang ng ganito,” ang lumuluhang tugon ng itim na sisiw.
Dahil na rin sa labis na habag ni Bibe sa kaniyang itinuturing na anak ay hinanap niya kung saan ito nagmula. Hindi naman siya nahirapan at natagpuan niya sa kabilang pampang ang mga kauri ng kaniyang anak.
Napag-alaman niya na ito ay isang itik. Sang-ayon sa mga kasamahan nito ay maagang pumanaw ang kaniyang tunay na ina habang siya ay itlog pa lamang.
“Kawawa naman siya walang maaring kumupkop sa kaniya maliban sa akin,” ang habag na wika ni Bibe.
Nagpatuloy sa kanilang pamumuhay ang pamilya ni Bibe kasama ang itinuturing na anak na isang itik.
Lumaki sa pang-aalipusta ng iba si Itik, pati na ang itinuring niyang mga kapatid ay hindi siya gusto. Walang ibang nagmamahal sa kaniya maliban kay Bibe.
Minsan ay kanilang paglalangoy ay napahiwalay si Itik, siya ay napadako sa lupon ng ibang mga bibe.
Siya ay lumapit sa kanila upang makipagkaibigan.
“Magandang araw sa inyong lahat, nais ko sanang makipagkaibigan sa inyo,” ang pagbati niya.
“Ha,ha,ha,” ang tawa ng mga bibe. “Di yata at ang isang pangit na tulad mo ay nais makipagkaibigan sa amin. Mas makabubuting umalis ka na lang sapagkat baka pati kami ay mahawa sa kapangitan mong taglay,” ang pangungutya ng mga ito.
“Bakit ayaw ninyo akong tanggapin, ako ay isang mabuting nilalang at walang ginagawang masama. Kung ganito man ang aking panlabas na anyo ay hindi ko kasalanan,” ang paliwanag ni Itik.
“Ang mabuti pa ay atin siyang pagtulungan tukain sapagkat siya ay isang salot sa atin,” ang wika ng mga bibe.
Pinagtulungan nila si Itik at ito ay hindi nakalaban man lamang. Siya ay nasaktan nang labis at halos hindi na makakilos.
Ang kaniyang ina na labis na nag-aalala sa kaniya ay nagtungo sa kaniyang kinaroroonan at nakita niya ang sinapit ng anak. “Kayo ay mga walang puso, pati ang mga walang kasalanan ay pinaparusahan ninyo. Hindi niya ginustong maging pangit at hindi ito sapat na dahilan upang siya ay inyong saktan,” ang lumuluhang wika ni Bibe.
St dahil sa Itik ay may mabuting kalooban ay pinagpala siya ng Maykapal noong sandali ring iyon ay nagliwanag ang kaniyang paligid. Ang kaniyang katawan ay nag-iba ng anyo.
Ang kaniyang kulay ay naging busilak ay siya ay naging kaakit-akit. Kung ihahambing sa mga kasamahan ay maituturing na siya ang pinakamaganda.
Siya ay hinangaan at kinaiinggitan ng lahat. Masayang-masaya ang kaniyang ina sa pagpapalang kaniyang tinamo.
Ang mga nang-api sa kaniya ay humingi ng tawad at nagsisi sa mga nagawang kasalanan gayundin ang ginawa ng kaniyang mga kapatid.
At dahil si Itik ay may ginintuang puso ay madali siyang napatawad. Hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa sinuman na nagkasala sa kaniya.
Napag-alaman ng lahat na siya ay tunay na may malinis na kalooban at lalo siyang hinangaan sa taglay na katangian. Mula noon ay nagbalik ang kapayapaan sa lupon ng mga bibe.
Aral: Ang panlabas na kagandahan ay hindi batayan ng isang nilalang kungdi ang kalinisan ng kaniyang kalooban.
ANG PILYONG HIPON
Bawat nilalang ay may kani-kanilang katangian at kapintasan. Sinasabing walang perpektong nilikha na namamahagi sa mundo. Subalit king minsan ay mas napagtutuunan natin ng pansin ang kapintasan kaysa sa mga katangian. Ito ay hindi lamang nangyayari sa iilan kundi sa mas nakararami.
Si Mon ay mahilig magbiro sa kapansanan ng iba at ito ay kanyang nakasanayan at mahirap nang mabago.
Sa dagat kung saan makikita ang maraming nilalang na naninirahan ay matatagpuan din ang lupon ng mga hipon. Isa na rito si Mon ang tinaguriang pilyong Hipon.
Maraming batang hipon ang umiiwas makipaglaro sa kanya sapagkat alam nila na sila ay masasaktan lamang sa kapilyuhan ni Mon. At dahil dito ay walang nais makipaglaro sa kanya kaya nakikisalamuha na lamang siya sa ibang lamang-dagat.
Minsan habang naglalangoy ay nakita ni Mon si Kit Pusit at siya ay nakipagkaibigan. Natuwa naman ito at sumama sa kanya.
Napansin ni Mon na tila may kalabuan ang mata ng kanyang bagong kalaro at katulad ng dati ay nakaisip siya ng kapilyuhang gagawin dito.
Naglaro sila ng taguan at sa una ay maayos ang kanilang paglalaro, ngunit ang sumunod ay iba na ang nangyari. Si Mon ay nagtago sa loob ng mga sanga-sangang korales. Mayroon siyang balak kay Kit kung kaya’t dito niya naisipang pumunta.
Hinanap siya nang hinanap ni Kit ngunit hindi siya makita.
“Mon nasaan ka? Hindi kita makita at nahihirapan akong hanapin ka,” ang wika ni Kit.
“Nandito lamang ako sa mga korales ngunit hindi ako lalabas hanggat hindi mo ako nakikita,” ang tugon ni Mon.
Nagtungo si Kit sa loob ng mga korales at si Mon ay wala na roon. Lingid sa kanya ay umalis kaagad si Mon bago pa lamang siya pumunta.
Hindi nakita ni Kit si Mon kung kayat lumabas na siya ngunit dahil sa kalabuan ng mata ay nasabit ang kanyang mga galamay sa sanga ng mga korales.
“Araaay, nasabit ang mga galamay ko, Mon nasaan ka at tulungan mo ako,” ang daing ni Kit.
“Ha, ha, ha, ha, ang labo kasi ng iyong mata kayat magdusa ka,” ang wika sa sarili ni Mon at umuwi na siya ng bahay.
Ang kawawang posit ay naiwang nakasabit sa sanga ng mga korales. Mabuti na lamang at may isang nagmagandang loob na tumulong sa kanya.
Mula noon ay umiwas na si Kit posit na makipaglaro sa kanya at si Mon ay naghanap na lamang ng ibang kalaro.
Nang sumunod na araw ay nakita naman ni Mon si Peles Dilis at ito ay kinaibigan din niya tulad ng iba.
“Halika Peles at tayoy maglaro, magbilad tayo ssa araw upang ang kutis ay pumula at kuminis,” ang amuki ni Mon.
At dahil sa narinig ay naniwala kaagad si Peles Dilis. Sila ay pumunta sa gilid ng dagat kung saan sila ay naupo sa may batuhan.
Dahil sa tindi ng sikat ng araw ay madaling namula si Mon Hipon, gaya ng kanyang sinabi ay gumanda ang kanyang kutis.
“Nakita mo na Peles, diba kay ganda ng aking kutis,” ang pagmamalaki ni Mon.
Subalit hindi ganoon ang nangyari kay Peles. Ang kanyang balat ay natuyo at napaso. Sapagkat siya ay hindi marunong magbilad sa araw.
“Aray ang hapdi ng balat ko hindi ko na kaya ang magtagal pa rito,” ang daing ni Peles.
Bumalik si Peles sa kanyang bahay at hinagod ang nalapnos na balat.
Tuwang-tuwa si Mon sa nakita sa kalaro. Alam ni Mon na ganito ang mangyayari sapagkat ang mga dilis ay lubhang maninipis ang balat at hindi maaring magbilad.
“Kundangan ka ba naman, alam mo na sa kabilugan ng buwan kayo lumulutang at bakit ka naniwala sa araw ay makikinabang ka,” ang bungisngis ni Mon.
Gaya ng iba hindi na muling nakipaglaro si Peles sa kanya. Wala nang kalaro si Mon Hipon at siya ay nalulungkot. Siya ay paikot-ikot sa dagat at humahanap ng makakausap. Hindi inasahan at nakita niya si Dikya. Kinausap niya ito at niyayang maglaro.
“Kaibigang Dikya, tayo ay maglaro, lubhang maganda ang panahon at masarap maglangoy,” ang yaya ni Mon.
Pumayag kaagad si Dikya at sila ay naglangoy paikot-ikot sa dagat. Bago pa man mag-isip ng kapilyuhan si Mon ay naunahan na siya ni Dikya.
“Alam mo, ako ay sawa na sa ating paglalangoy mabuti pa ay iba na lamang ang ating laruin. Ako ay may naisip at iyong sundin,” ang wika ni Dikya. “At ano naman ang ibang laro na iyong nalalaman?” usisa ni Mon.
“Tayo ay sasakay sa loob ng lambat at dito ay nagduduyan,” ang wika ni Dikya.
Hindi alam ni Mon Hipon ang larong sinasabi ni Dikya at siya ay sumama. Pumasok sila sa loob ng lambat at doon ay dumuyan-duyan sila. Ilang sandal pa ay nagpaalam si Dikya.
At dahil si Mon ay nalilibang ay pumayag siya na maiwan ng kalaro. Naramdaman niya na umaangat ang lambat at si Dikya ay hindi pa bumabalik.
Nagulat na lamang si Mon ng makita na ang lambat pala ay ang ginagamit ng mga tao sa panghuhuli ng lamang-dagat at isa siya sa mga nahuli nito.
Iyak ng iyak si Mon sapagkat alam niya na katapusan na ng kanyang buhay. Nagsisi siya sa mga kapilyuhang ginawa sa kanyang mga kalaro at naisip niya na si Dikya ay nagbiro sa kanya katulad ng ginagawa niya sa iba.
Ngunit ngayon ay buhay na niya ang nakataya sapagkat siya ay iluluto ng mga taong nakahuli sa kanya.
Walang nagawa si Mon kundi ang umiyak at magsisi. Takot na takot si Mon at siya at nagdasal na lamang at naghintay sa mga susunod na mangyayari.
Ilang sandali pa ay narinig niya sa mga taong nag-uusap na siya ay pakawalan na lamang sapagkat sa kaniyang kaliitan at wala man lamang silang malalasahan at paglaki na lamang saka na siya babalikan.
Gaya ng narinig at itinapon si Mon sa dagat. Tuwang-tuwa si Mon at siya ay nakabalik sa kanyang tirahan. Siya ay lubusang nagpasalamat sapagkat nakaligtas siya sa kamatayan.
Kaagad niyang pinuntahan si Kit at siya ay humingi ng tawad, nagtungo rin siya kay Peles at nagpaumanhin sa kanyang kasalanan. Nangako si Mon sa magbabago na sa kanyang kapilyuhan at magiging mabait na kalaro kanino man.
At dahil mabait naman sina Peles at Kit ay pinatawad siya ng mga ito. Ganoon din ang ginawa niya sa mga kalarong hipon.
Bago pa man umuwi ng bahay ay nakasalubong niya si Dikya. At ito ay humingi rin ng paumanhin sa kanya sapagkat biniro siya nito.
Pinatawad din siya ni Dikya.
Nagpasalamat din si Mon sapagkat kung hindi pa nangyari sa kanya ang kapahamakan ay hindi niya malalaman na mali ang kanyang ginagawang pagbibiro.
Naging masaya si Mon ng mga sumunod na araw at gaya ng kanyang pangako siya ay naging isang mabuting hipon. Ang karanasan ni Mon ay nagsilbing aral sa lahat at sila ay namuhay ng masaya sa ilalim ng dagat.
Aral: Ang lahat ay maaring magbago habang hindi pa huli ang lahat, laging tatandaan ang kasabihan na kung ano ang ayaw mong mangyari sa iyo ay huwag mong gagawin sa iyong kapwa.
ANG SAKIM NA ASO
Minsan, isang sakim na aso ang nakaamoy ng masarap na pagkain. Sinundan niya kung saan nanggagaling ang amoy. Hanggang nalaman niyang buhat ito sa karne na dala-dala ng isang tuta.
Tinakot ng aso ang tuta, kung kaya’t nabitawan nito ang pagkain. Agad na sinakmal ng aso ang karne at tumakbo na ito pauwi sa takot na maagaw pa ito sa kanya ng mas malaking aso.
Isang tulay ang tinawid ng aso. Nang mapatingin ito sa baba ay nakakita ito ng isang aso na may dala ring pagkain.
“Mukhang mahinang aso! Kaya ko ring takutin ito upang makuha ko rin ang pagkain niya!” ang sabi ng sakim na aso sa sarili.
At tinahulan nga ng aso ang nasa ibaba ng tulay, na naging dahilan upang mahulog ang karne na nasa bibig niya.
Bumagsak ang karne sa tubig, at noon lamang nalaman ng sakim na aso na sarili pala niyang repleksyon ang nakita niya sa ibaba ng tulay.
At ang karne ay lumubog na sa tubig. Umuwing nagsisisi ang aso.
Aral: Ang sinumang sakim at ganid ay lalo lamang nawawalan sa dakong huli.
ANG TATLONG MAGKAIBIGANG BAKA
May tatlong magkakaibigang baka. Ang kulay nila ay abuhin, puti at tsokolate. Masaya silang nanginginain ng mga sariwang damo. Nagulat sila nang biglang atakihin ng isang leon.
“Growl!” atungal nang sumugod na leon. Mabilis na nagtabi-tabi ang tatlong baka. “Huwag tayong maghiwa-hiwalay! Suwagin natin ang leon kapag lumapit!” wika ng isang baka.
Sa pagtutulungan ng magkakaibigan ay hindi sila masuwag ng leon. Inis na umalis ang leon. Pinag-isipan niya kung paano makakain ang tatlo.
“Hangga’t nagkakaisa sila at nagtutulungan ay hindi ko sila maatake,” anang leon. Matagal itong nag-isip. “Ah, alam ko na! Pag-aawayin ko sila para magkahiwa-hiwalay!”
Maya-maya, na nakangiting pinuntahan ng leon ang magkakaibigan.
Marahang lumapit ang leon sa putting baka. “Huwag kang matakot. Wala akong balak na kainin pa kayo. Nalaman ko kasing handa kayong ipagtanggol ng kasama ninyong abuhing baka. Siya raw kasi ang pinakamalakas sa inyo,” wika ng leon.
“Pantay-pantay lang ang aming lakas,” bulalas ng putting baka.
“Aba, hindi! Ang sabi ng abuhing baka ay siya raw pinakamalakas sa inyo. Kung hindi raw sa kanya ay matagal na raw kayong nalapa ng mga leon. Lalo ka na. Ikaw raw ang pinakalampa sa inyong tatlo,” pagsisinungaling ng leon. “Sinabi niya iyon?” nag-aalsa sa galit ang puting baka.
Pinuntahan din ng leon ang kulay tsokalateng baka. Muli siyang nag-imbento ng kwento na ikinagalit nito sa kaibigan. Ganito rin ang ginawa ng leon upang magalit din ang abuhing baka sa tsokolateng baka. Hindi nagtagal ay nagsimula nang mag-away ang tatlo. Sinuwag nila ang isa’t-isa. Hindi sila huminto hanggang manghina. Dahil sa hirap, pagod at mga sugat na nilikha ng kanilang mga sungay ay bumagsak sila. Hindi na makabangon ang tatlong baka. Noon sila nilapitan ng leon. “Ngayon ay may pagkain na ako. At may mai-rereserba pa sa susunod na araw,” anito.
Nagsisi ang tatlong baka. Wala na silang magawa. Nagsisi sila dahil hindi sila nagtiwala sa isa’t-isa.
Aral: Sa anumang samahan, mas malakas kung sama-sama at nagtutulungan. Higit sa lahat, napakahalaga ng pagtitiwala sa bawa isa.
SI AMBISYOSONG LABUYO
Si Labuyo ay lumaki sa hirap ang mga kasamahan ngunit bata pa lamang siya ay naghahangad na ng magandang buhay upang makaalis sa kahirapang kinasasadlakan.
Kahit salat sa kaginhawahan ay masaya naman ang mga labuyo sa kanilang buhay sa baryo. Kadalasan ay nag-aawitan at nagsasayawan sila bilang pampaalis ng pagod sa maghapong paggawa.
Hindi kuntento si Labuyo sa ganitong uri ng buhay. Nais niyang tumira sa lungsod, makatikim ng masasarap na pagkain at mamahinga sa malaking bahay.
Tunay na kay taas ng pangarap ni Labuyo ngunit dumating din ang panahon na ito ay natupad. Hindi inaasahan ni Labuyo na sa kanilang paghuhukay ng ginto ay siya ang makakatagpo.
Isang kaban ng ginto at mga brilyante ang kaniyang nahukay. Siya ay masayang-masaya sapagkat matutupad na rin ang mga pangarap niya sa buhay.
Ang hindi inaasahan ay nangyari. Nakabili ng malaking bahay si Labuyo at sa siyudad siya nanirahan.
Buhay hari ang kanyang tinatamasa. Marami siyang utusan at ano man ang naisin ay madali niyang nakukuha.
“Kay sarap talagang maging milyonaryo, para kang nakalutang sa alapaap,” ang wika ni Labuyo sa kanyang sarili.
Ngunit sa pagkakaroon ng kayamanan ay nakapagbago sa ugali ni Labuyo. Ang dating mapagkumbaba ay naging mapagmalaki. Hindi na rin siya ang dating si Labuyo na matulungin.
Karamihan sa kaniyang mga kasamahan ay nabibigo lamang sa tuwing sila ay lalapit upang humingi ng tulong. At ang tingin niya sa mga kapwa hayop na walang taglay na yaman ay basahan na lamang. Wala siyang pakundangan sa paghamak sa kapwa.
Ngunit ang lahat ay may katapusan. Dumating ang unos sa buhay ni Labuyo.
Isang hatinggabing siya ay natutulog sa kaniyang malaking bahay ay bigla na lamang nagkasunog. Lumikha ito ng malaking apoy at unti-unting tumupok sa kaniyang ari-arian.
Walang magawa si Labuyo para maapula ang nagniningas na apoy. Wala siyang nailigtas ni isang kayamanan maliban sa kaniyang sarili.
Kinabukasan ay namangha ang lahat sapagkat abo na lamang ang natira sa malaking bahay ni Labuyo. At dahil nanggaling sa wala ay sa wala din siya nauwi. Lahat ng kaniyang pag-aari ay nasunog.
Lungkot na lungkot si Labuyo sa nangyari sa kaniya. Ang masakit pa doon ay wala ni isa sa mga taga-siyudad ang tumulong at nais kumupkop sa kaniya.
At dahil walang matirahan ay napilitan si Labuyong bumalik sa kaniyang pinanggalingan. Humingi siya ng tawad sa kanyang mga kasamahan na kaniyang pinagmalupitan noong siya ay makapangyarihan pa.
“Mga kasama ako ay nagbabalik loob sa inyo, patawarin ninyo ako sa aking mga pagkukulang ako ay nagsisisi ng labis sa aking maling ginawa,” ang wika ni Labuyo.
Ang sinuman na nagsisisi ng kasalanan ay aming pinapatawad,” ang tugon ng kaniyang mga kasamahan.
“Maari pa ba ninyo akong tanggapin kahit ako ay nagbalik na sa pagiging dukha?” ang tanong ni Labuyo.
“Noong kapiling ka naming ay tinanggap ka namin bilang ikaw gayong katulad din namin na salat sa yaman, ngayon ikaw ay nagbabalik at sa pagiging dukha ay muli ka naming tatanggapin, ang salapi ay hindi basehan sa pagtulong sa isang nangangailangan,” ang mapagpakumbabang tugon ng kaniyang mga samahan.
Mula noon ay nagsama-sama silang muli at masayang hinarap ang buhay. Samantalang si Labuyo ay nagbago ng tuluyan at naging mabuti at matulungin sa kapwa.
Aral: Tunay na ang kayamanan ay nakakabulag sa katotohanan, ito ay biyaya sa iilan lamang kayat marapat na gamitin sa kabutihan at hindi sa pansarili lamang.
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba. Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.
"Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran.
Huwag mo akong kainin" sabi ng daga.
Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.
"Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalainang pagtulog ko," sabi ng leon.
"Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, " sagot ng daga.
Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno.
Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan. Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat.
Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.
"Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.
Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais. Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, "Panahon na upang anihin ko ang aking maisan! Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!"
Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, "Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!"
“Huwag kayong mabahala mga anak," ang wika ng inahing manok. "Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon! May panahon pa tayo upang manirahan dito."
Tama nga ang sinabi ng inahing manok. Sapagkat kinabukasan nga'y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka.
“Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!"
"Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina. Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, "Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon! May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan. May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!"
Kinabukasan nga'y tama uli ang sinabi ni inahing manok. Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.
Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, "Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!"
Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.
Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, "Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!"
Ang Kabayo at ng Kalabaw
Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang- hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit. "Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?" pakiusap ng kalabaw. "Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo," anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad. "Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw. "Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo. Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw. Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin. "Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili.
Ang Palaka at ang Kalabaw
Isang araw ay humahangos na umuwi ang magkapatid na palaka. "Itay, itay, nakakita po kami ni kuya ng higanteng bakulaw sa palayan. May matutulis na sungay at mahabang buntot. At ang itim ng kulay, nakakatakot! po!" sigaw ng batang palaka."Ha ha ha! Kalabaw ang nakita ninyo at hindi higanteng bakulaw," natatawang sagot ng amang palaka. "Eh, bakit po ang laki-laki niya?" tanong ng batang palaka. Wala yun! Tingnan nyo ako, kaya ko rin palakihin ang katawan ko, " pagmamayabang ng amang palaka. Huminga siya ng malalim at pinalaki ang kanyang tiyan. "Mas malaki pa po siya sa inyo," anang batang palaka. "Ganun?" Suminghot pa ng malalim ang amang palaka at lalung pinalaki ang kanyang tiyan. "Ganito ba kalaki?" tanong niya. "Mas malaki pa rin diyan!" sagot ng batang palaka.Ibinuhos ng amang palaka ang kanyang lakas at suminghot ng suminghot ng napakalalim hanggang sa naging napakalaki na ng kanyang tiyan. Maya-maya pa ay bigla silang nakaring ng malakas na "Pop!". Yun pala ay sumabog ang tiyan na siyang ikinamatay ng amang palaka.
Ang Pabula ng Kabayo at ng Mangangalakal
Isang mangangalakal ang maghahatid ng dalawang sakong asin sa palengke. Inilulan niya ang mga sako ng asin sa kanyang kabayo at nagtungo sila sa palengke.Nang tumatawid sila sa isang ilog na dinaanan ay hindi sinasadyang nadulas at natumba ang kabayo. Napunit ang mga sako at ang ilang bahagi ng asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw dahil sa pagkababad sa tubig. Hindi naman nasaktan ang kabayo at napansin niya na lubhang gumaan ang pasan niyang dalawang sako ng asin at siya ay natuwa.
Nang sumunod na linggo ay magpupunta uli ang mangangalakal sa palengke at naglulan na nman ng dalawang sakong asin sa kanyang kabayo. nang mapalapit na sila sa ilog ay napagisip-isip ng kabayo: "Kung magpapadulas ako sa ilog ay tiyak na gagaan uli ang pasan ko," ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili. Ganun na nga ang ginawa ng kabayo. Muling nabutas ang mga sako at ibang asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw. Nguni't sa pagkakataong eto ay nakahalata ang mangangalakal na sadyang nagpadulas ang kabayo sa ilog.
Pagdaan pa ng isang linggo ay muling magtutungo ang mangangalakal sa palengke subalit sa pagkakataong eto ay apat na baldeng may lamang alpombra ang kanyang inilulan sa kabayo - dalawang balde sa magkabilang tabi ng kabayo. "Aba, ok to, mas magaan ang pasan ko ngayon. Ganun pa man ay magpapadulas pa rin ako sa ilog para mas gumaan pa ang pasan ko,"ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.
Pagdating sa ilog ay kusa na namang nagpadulas ang kabayo ngunit laking gulat niya nang biglang bumigat ang kanyang pasan nang siya ay malublob sa tubig. Ang apat na balde na may alpombra ay napuno ng tubig at di hamak nanaging mas mabigat pa keysa sa dalawang sakong asin.
Ang Lobo at ang Ubas
Minsan ay inabot ng gutom sa kagubatan ang isang lobo (wolf). Nakakita siya ng isang puno ng ubas na hitik ng hinog na bunga. "Swerte ko naman. Hinog na at tila matatamis ang bunga ng ubas," ang sabi ng lobo sa sarili.
Lumundag ang lobo upang sakmalin ang isang bungkos ng hinog na ubas subalit hindi niya maabot ang bunga. Lumundag siyang muli, at muli, at muli pa subalit hindi pa rin niya maabot ang ubas.
Nang mapagod na ay sumuko rin sa wakas ang lobo at malungkot na umalis palayo sa puno. "Hindi na bale, tiyak na maasim naman ang bunga ng ubasna iyon," ang sabi niya sa sarili.
Daga at ng Leon
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba. Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga. "Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga. Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa. "Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalainang pagtulog ko," sabi ng leon. "Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, " sagot ng daga. Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan. Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat. "Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.
Mga Palaisipan
May anim na ibon ang nakadapo sa isang maliit na sanga ng puno. Tatlo ang maya, dalawa ang pipit, at ang isa ay uwak. Binato ni Mart ang sanga. Tinamaan at nalaglag ang uwak. Ilang maya ang naiwan sa sanga?
Sagot: wala - Dahil magkakasama lang sa isang maliit na sanga, nabulabog at nagliparan ang mga ibon kaya walang naiwan sa sanga.
May 12 buwan sa isang taon. Pito sa mga buwan ang may 31 araw, at apat na buwan ang may 30 araw lang. Ilang buwan ang may 28th na araw?
Sagot:12 - Lahat ng buwan sa isang taon ay may 28th na araw.
Ano ang mas mabigat - ang isang galon na tubig sa Pilipinas, o ang isang galon na tubig sa Australia?
Sagot: sa Australia - Ang isang galon sa Australia ay mas malaki ng 20% kaysa isang galon sa Pilipinas. Sa Pilipinas ay ginagamit ang sukat na US gallon at sa Australia naman ay ginagamit ang sukat na imperial gallon. Kaya ang isang galon ng tubig sa Australia ay mas mabigat kaysa sa isang galon ng tubig sa Pilipinas sa dahilang magkaiba ang laki ng galon na ginagamit.
Ano ang nakikita mo sa gitna ng dagat?
Sagot: Ang letrang "g" ang nakikita sa gitna ng dagat.
Ang Santa ay ginagamit sa pangalan ng babae, halimbawa: Santa Maria at Santa Lucia. Ang Santo naman ay ginagamit sa pangalan ng lalaki, halimbawa: Santo Domingo at Santo Tomas. Pero meron din namang lalaki na kung tawagin ay Santa. Magbigay ka ng halimbawa.
Sagot: Santa Claus
Ano ang mas magaan - ang isang litro ng tubig, o ang isang litro ng yelo?
Sagot: yelo - Mas magaan ang yelo kaya laging nakalutang ang yelo sa tubig.
May lubid na 10 metro ang haba. Puputulin mo ang lubid ng paisa- isang piraso. Ilang putol ang gagawin mo upang makakuha ng sampung piraso na tig-isang metro ang haba?
Sagot: Siyam na putol lang. Sa pagsiyam at huling putol ay 2 ang madadagdag - ang pangsiyam at pangsampung piraso.
Ang pangalang nagtatapos sa letrang o ay kadalasang ginagamit ng ng lalaki, at ang nagtatapos sa letrang a ay kadalasang ginagamit ng babae. Halimbawa: Mario at Maria, Julio at Julia, Minsan naman ay nagkakabaliktad, ang pangalan ng lalaki ang nagtatapos sa letrang a at ang pangalan ng babae ang nagtatapos sa letrang o. Magbigay ka ng halimbawa.
Sagot: Aga at Osama sa lalaki. Rosario at Ate Glo sa babae.
Mga Awiting Bayan
ANG DALAGANG PILIPINA
Ang dalagang Pilipina, parang tala sa umaga
Kung tanawin ay nakaliligaya
May ningningna tangiat dakilang ganda
Maging sa ugali, maging kumilos
mayumi, mahinhin, mabini ang lahat ng ayos
Malinis ang puso maging sa pag-irog
may tibay at tiningng loob
Bulaklak na tanging marilag, ang bango
ay humahalimuyak
Sa mundo'y dakilang panghiyas,
pang-aliw sa pusong may hirap.
Batis ng ligaya at galak, hantungan ng
madlang pangarap.
Iyan ang dalagang Pilipina, karapat-dapat
sa isang tunay na pagsinta.
BAKYA MO NENENG
Bakya mo, Neneng, luma at kupas na
Ngunit may bakas pa ng luha mo, Sinta;
Sa alaala'y muling nagbalik pa
Ang dating kahapong tigib ng ligaya.
Ngunit,irog ko, bakit isang araw
Hindi mo ginamit ang bakya kong inalay?
Sa wariko ba'y di mo kailangan
Pagkat kinupasan ng ganda at kulay.
Ang aking pag-asa'y saglit na pumanaw
Sa bakya mo, Neneng, na di pa nasilayan.
Kung inaakalang 'yan ang munting bagay,
Huwag itapon, aking hirang,
Ang aliw ko kailan man.
Lupang Hinirang
Bayang magiliw
Perlas ng Silanganan,
Alab ng puso
Sa dibdib mo'y buhay.
Lupang hinirang,
Duyan ka ng magiting,
Sa manlulupig,
'Di ka pasisiil.
Sa dagat at bundok,
Sa simoy at sa langit mong bughaw,
May dilag ang tula at awit
Sa paglayang minamahal.Ang kislap ng watawat mo'y
Tagumpay na nagniningning,
Ang bituin at araw niya
Kailan pa ma'y 'di magdidilim.Lupa ng araw, ng luwalhati't pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo;
Aming ligaya, na 'pag may mang-aapi
Ang mamatay nang dahil sa 'yo.